Monday, February 02, 2009

Urban Poor Nagpahayag Ng Suporta Sa Panukalang Ordinansa Para Sa Moratorium ng Demolisyon, Ebiksyon



Walang nagawa ang isang matandang babae na residente ng Old Sta Mesa kundi pagmasdan na lamang ang kanyang bahay habang ginigiba ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong January 19, 2009.

** NEWS RELEASE *** NEWS RELEASE *** NEWS RELEASE *** NEWS RELEASE **

Urban Poor Nagpahayag Ng Suporta Sa Panukalang Ordinansa Para Sa Moratorium ng Demolisyon, Ebiksyon

2 February 2008 / Quezon City. Dahil sa mga sunud-sunod na banta ng mararahas at di- makataong demolisyon, lumapit ang iba’t ibang grupo ng maralitang tagalungsod sa Konseho ng Quezon City upang hilingin na magkaroon ng ordinansa na naglalayong magkaroon ng moratorium sa walang humpay na panggigiba na wala namang sapat na konsultasyon at maayos na relokasyon.

Kaugnay nito, nagpahayag ng suporta ang mga grupo ng maralitang tagalungsod sa panukalang magkaroon ng moratorium sa demolisyon habang dinidinig ang naturang ordinansa.

Nakatakdang dinggin bukas (February 3) ng Quezon City Council sa Carlos Albert Hall ang naturang ordinansa sa isang public hearing na pangungunahan ng Committee on Laws, Rules and Internal Government at ng Committee on Justice and Human Rights.

Bilang pagsuporta, ang public hearing ay dadaluhan ng iba’t ibang grupo ng urban poor sector kabilang ang mga non-government organizations tulad ng Urban Poor Associates (UPA), Community Organizers Multiversity (COM), Community Organization of the Philippines Enterprise (COPE), Sentro ng Alternatibong Lingap Panligal (SALIGAN) at Partnership of Philippine Support Agencies (PHILSSA).

Ang naturang ordinansa ay pagtugon sa rekomendasyon ng Commision on Human Rights (CHR) Resolution # A2008-052 na nag-aatas sa mga Local Government Units na magkaroon ng moratorium sa ebiksyon at demolisyon ng mga bahay ng maralitang tagalungsod upang pangalagaan ang karapatan sa disenteng tahanan ng mga ito.

“Ang naturang panukalang ordinansa ay hindi pangungunsinti sa mga informal settlers bagkus ay siyang magsisiguro sa makataong proseso katulad ng konsultasyon, sapat na relokasyon at iba pang mga pangangailangan na isinasaad sa Urban Development and Housing Act (UDHA),” ayon kay Veronica Magpantay, coordinator ng Riverside Coordinating Council ng Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya sa Baybaying Ilog Pasig (RCC-ULAP), isang peoples’ organization.

“Ang karapatang pantao ng bawat nilalang ay hindi dapat nako-kompromiso sa interes lamang ng iilan bagkus sa interes dapat ng nakararami. Ang mga maralitang tagalungsod ay mga lehitimong Pilipinong walang sariling lupa sa kaniyang sariling bayan. Karapatan din nilang ipaglaban ang kanilang dignidad bilang tao,” sinabi ni Magpantay.

“Kung walang maralitang tagalungsod, walang mga manggagawa, taxi drivers, magbabantay ng mga kotse (parking attendant), mangangalahig ng basura at iba pa. Marami rin sa mga nagtatrabaho sa gubyerno ay galing sa maralitang tagalungsod. Wala bang utang na loob ang bansang ito?” dagdag pa ni Magpantay.

-30-

No comments:

Post a Comment

Bookmark and Share