Task Force Anti-Illegal Demolitions
c/o Urban Poor Associates (UPA), 25-A Mabuhay St. Brgy. Central, Quezon City
Tel.426-7615/922-0246/723-7420
Ika 21 ng Abril 2008
KGG. FEDERICO LAXA
General Manager
National Housing Authority
Elliptical Road
Quezon City
Ginoong GM Laxa,
Pagbati ng Kapayapaan!
Dalawang-buwan at kalahati na po ang lumipas mula noong ika 31 ng Enero 2008 na pagpupulong sa Heroes Hall ng Malacanang na pinamunuan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at kasama ang mga housing officials tulad po ninyo at G. Froilan Kampitan, MMDA, PCUP, mga kinatawan ng Catholic Bishops Conference na sina Arzobispo Talamayan at Obispo Villena, at mga kinatawan ng Task Force Anti Illegal Demolition. Sa susunod na mga araw kami po ay mag-uulat sa mga kinatawan ng CBCP; sila po ay nagpaabot sa amin ng kanilang kagustuhan na malaman ano ang mga nangyari at nangyayari pagkatapos ng pulong sa Malacanang.
Kung susumahin ang mga sumusunod po ang mga mahalagang napagpasyahan at sinangayunan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa nasabing pulong:
1. Gawing relokasyon ang mga lugar na nasa lungsod at malalapit sa lungsod (in-city and near-city relocation sites) tulad ng Navotas, Taguig at Montalban/Rodriguez.
2. Walang cut-off date ukol sa mga benepisyaryo ng UDHA. Lahat ng mga maralitang tagalungsod ay saklaw ng batas at ng proteksyon nito.
3. Mayroong dagdag na badyet na 4 bilyong piso para sa panglipunang pabahay laluna sa mga pamilyang apektado ng mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan at mga pamilyang nasa danger areas.
4. Maglabas ng Post-Proclamation Implementing Rules and Regulations upang ang mga lupang naiproklama ng pamahalaan ay mapaunlad (upgrading) at sa kalaunan ay maipamahagi sa mga naninirahan doon.
5. Ang BASECO ay para sa socialized housing at hindi para sa gamit komersyal. Ang gagawing reklamasyon ng PRA (Philippine Reclamation Authority) na malapit doon ay para din sa socialized housing.
6. Walang demolisyon kung walang relokasyon. Dapat sundin, kasama na ang Department of National Defense, ang prosesong nakasaad sa batas at magbigay ng 45 araw na palugit bilang social preparation.
Naglabas ng mga instruksyon ang ating Pangulo na naitala sa katitikan ng pulong ng pinadala namin sa kanya at mga Obispo at ang katititkan na nilabas ni PCUP (kalakip ng sulat):
Ngunit mula noon hanggang ngayon patuloy na nagaganap ang mga demolisyon at mga banta ng demolisyon ng mga bahay na mga pamilyang naninirahan sa mga tinataguirang danger areas at mga pamilyang apektadong ng mga proyektong imprastruktura ng pamahalaan.
Malinaw ang tugon at direktiba ni Pangulong Arroyo na bigyan ng prayoridad ang in-city at near city relocation sites tulad ng Taguig, Navotas at laluna ang Montalban dahil ito’y malapit at mayroong mga batayang serbisyo. Ngunit hanggang ngayon ang patuloy na inaalok na mga relokasyon ay malalayo at kulang na kulang sa mga batayang serbisyo tulad ng Calauan at Towerville.
Sa pakikipag-usap kay AGM Kampitan nitong nakarang mga lingo, sinabi niya ang dalawang bagay kung bakit hindi tumutulak ang Montalban; walang interesadong developer na gustong pumasok sa Montalban at ang suspension ni Mayor Cuerpo. Kami po nagtatanong: kailan po ninyo binuksan ang bidding at/o paglalabas ng patalastas upang maghikayat ng developer? Malamang na nabasa na po ninyo ang kopya ng proposal na isinumite ni Mayor Cuerpo kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ano po ang komentaryo o feedback ninyo? Ayon sa proposal na ito may 6,000 lote na pag-aari ng HGC, 300 ektarya na mga abandoned subdivisions at 500 ektaryang lupa sa Lungsod Silangan na maaaring gamitin bilang relokasyon ng mga maralita mula sa Metro Manila.
Ang mga pamahalaang lokal ng Navotas at Taguig ay may mga inihain sa Pangulo na relokasyon sa loob ng siyudad. Ayon sa direktiba ni Pangulong Macapagal-Arroyo dapat kakausapin sila, kasama ang LGU ng Montalban/Rodriguez. Ano po ang resulta ng pag-uusap? Naresolba na po ang usapin ng pondo mula sa national government para sa kanilang in-city relocation site proposals?
Ano po ang mga pagkilos at plano ng NHA upang matugunan ang mga direktiba ng Pangulo? Panahon po ngayon ng bakasyon at may mga pamilyang inilikas at nangagambang ililikas.
Noong ika 25 ng Pebreror 2008 nagsimula ang paglikas ng mga pamilyang biktima ng maling demolisyon ng MMDA sa Nissan, Tatalon mula sa “staging area” patungo sa Towerville, ngunit mas matindi pa ang nangyari sa mga pamilyang ito; sapagka’t mula sa staging area kung saan may direktang nasisilungan pa sila patungo sa Towerville na wala kahit na isang pirasong bubong na naihanda. Hindi rin handa ang mga sasakyan ng First Batch na inilikas.
Ganito rin ang napipintong problemang haharapin ng mga kasapi ng 787 Neighborhood Association sa Barangay Sta Cruz, lungsod ng Quezon, na ang napiling relokasyon ay Montalban.
Nitong mga nakaraang araw kinakausap na rin ng mga opisyales ng barangay at LGU ng Pasay ang mga pamilyang naninirahan sa tabing Estero Tripa de Gallina. Sinabihan silang ililikas sila sa Calauan. Ngunit ang mga apektadong pamilya, kasama na ang mga lider na nakadalo sa pulong sa Malacanang ay naninindigang Montalban ang pinipili nilang relokasyon.
Ang mga pamilyang naninirahan sa Estero de Paco at sa mga komunidad tulad ng Tondo, Sta Cruz at Sampaloc sa lungsod ng Maynila na apektado NSLP (Northrail-Southrail Linkage Project) ay matagal nang naninindigan na Montalban ang kanilang relokasyon.
Ayon sa Philippine Fishport Development Authority sa darating na ika 30 ng Abril 2008 sisimulan ang paggiba ng mga bahay sa Market 3, Philippine Fishport, Navotas. Pera po ang inaalok ng PFDA sa kanila ngunit ang karamihan ng mga apektadong pamilya ay gustong magpalikas sa Montalban.
Ibig po naming magkaroon ng kalinawan ang mga nabanggit na usapin at kagyat na magsagawa ng kaukulang aksyon ang inyong tanggapan upang umandar ang mga napagkaisahan sa Malakanyang.
Gayun din, mungkahi naming na gawin nating aktibo ang paglahok namin sa mga aksyon at kilos na inyong isasagawa, upang kami ay makasubaybay sa buong proseso ng paghahanda at pagsasaayos ng mga gawain alinsunod sa direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Para sa Katiyakan sa Isang Disente, Makatao at Abot-Kayang Pabahay,
Gumagalang,
TASK FORCE-AID
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment