Tuesday, May 08, 2007

Urban poor sumugod sa Mendiola




Urban Poor Associates

25-A Mabuhay Street, Brgy. Central, Q.C. Telefax: 4264118 Tel.: 4264119 / 4267615

Ref: John Francis Lagman http://jlagman17.blogspot.com

** NEWS RELEASE *** NEWS RELEASE *** NEWS RELEASE *** NEWS RELEASE **

Urban poor sumugod sa Mendiola

9 May 2007. Magmula sa makasaysayang San Sebastian Church, nag-aapoy sa galit na sumugod sa Mendiola ang mga maralitang tagalunsod na nagmula pa sa ibat-ibang panig ng Metro Manila upang ipabatid sa Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kanilang nais na pakikipagpulong upang matugunan ang mga suliraning bumabagabag sa kanila.

Naubos na umano ang kanilang pasensya sa kahihintay sa sagot ng pangulo sa kanilang mga sulat na ipinadala nuon pang Abril kung kaya’t minabuti na nilang mag-rally.

Ayon kay Evelyn Franco, kalunus-lunos ang kalagayan ng 914 pamilya na naninirahan sa kahabaan ng estero sa Paco at Pandacan, Manila matapos umanong mademolis ang kanilang mga bahay at sapilitang palayasin ng Metro Manila Development Authority (MMDA) magmula pa noong Pebrero.

Dahil walang ibang mapuntahan, napilitan silang tumira sa gilid ng kalsada kung kaya’t marami sa mga bata at may edad ang nagkakasakit. “Hindi namin gusto na matira sa ilalim ng tulay o estero ngunit dala ng kahirapan nagtitiis kami para mabuhay ng marangal at nagbabakasakali na mabago ang kalagayan namin sa buhay. Kung walang relokasyon, huwag naman sanang mag-demolis,” pakiusap ni Mrs. Franco.

“Libo-libo ang dinedemolis ng gubyerno at kadalasan pa ay marahas at walang binibigay na relokasyon. Ito ay mas madalas na nangyayari sa ngayon higit kailanman magmula nang maisabatas ang Urban Development and Housing Act,” ayon kay Atty. Bienvenido Salinas II ng Urban Poor Associates o UPA, isang non-government organization. “Ang ganitong mga gawain ay malinaw na paglabag sa Saligang Batas at sa mga United Nations covenants na ating nilagdaan.”

Kaugnay nito, nakiusap naman ang Arsobispo ng Maynila Gaudencio Cardinal Rosales sa pangulo na tulungan ang mga grupo ng maralitang tagalunsod. “It is our fervent hope that their concerns and requests would merit Your Excellency’s favorable consideration. Whatever help you will extend to them will be greatly appreciated,” ayon sa sulat ng Cardinal.

Dahil sa sulat ng Cardinal, tila nabigyan naman ng pag-asa ang mga maralitang nagmula pa sa Caloocan, Maynila, Taguig at Navotas. Umaasa sila na dahil may suporta ng simbahan, sila ay haharapin ng pangulo. Kabilang dito ang Alyansa ng mga Samahan ng R-10 Navotas na nanindigan para sa mga pamilyang apektado ng Road Widening Project ng Department of Public Works and Highways.

Tinatayang 50,000 pamilya naman ang palalayasin sa riles mula Caloocan City hanggang Calamba para mabigyang daan ang rehabilitasyon ng Philippine National Railway (PNR). Ngunit ayon kay Evelyn Mojica, ang relocation sites ng gubyerno sa Towerville, Cabuyao at Trece Martirez ay hindi angkop dahil kulang sa batayang serbisyo tulad ng kuryente, malinis na tubig na maiinom at higit sa lahat ay mawawalan sila ng hanapbuhay dahil malayo sa dati nilang tirahan.

Dahil sa pagsusumikap ng Koalisyon ng mga Samahan sa Riles Katimugan (KOSARIKA) napakiusapan si Mayor Sigfrido TiƱga ng Taguig at Mayor Pedro Cuerpo ng Montalban na tanggapin ang mga apektadong pamilya. Kung kaya’t nais ng kanilang grupo na hilingin sa pangulo na utusan ang National Housing Authority na ibigay ang nakalaang pondo upang maumpisahan ang mga alternative sites.

Samantala nanawagan din ang mga biktima ng sunog sa Metro Manila sa pangulo upang ito’y magtakda ng batas na nagsasaad na maaaring bumalik sa dati nilang kinalalagyan ang sinumang biktima ng sunog. Ayon sa kanila, mortal na kaaway ng mga maralita ang sunog dahil tulad ng mga nadedemolis, sila ay napipilitang manirahan sa daan kapag walang relokasyon. -30-

No comments:

Post a Comment

Bookmark and Share